Wednesday, August 27, 2008

Wika mo, Wikang Filipino, Wika ng Mundo, Mahalaga






Ito yung pyesa na ginawa ko para sa talumpati... May paligsahan sa eskwelahan at ako ang napili para sa patimpalak dahil wala kami representative... Inihahandog para sa lahat ng Pilipino....




Sa ating kagalang-galang na mga inampalan, guro, mga panauhin, kapwa ko mag-aaral, magandang hapon po sa inyong lahat!

Gaano nga ba kahalaga ang wika ng isang bansa?

Wikang Filipino, ang wika mo, wika ko, wika nating lahat... Wikang nagbubuklod sa ating mga Pilipino. Dumanak ang dugo at buhay ang itinaya upang tayo ay magkaroon ng wikang sariling atin. Kung ito ay ipinaglaban at pinangalagaan ng ating mga ninuno ay gayon din ang dapat nating gawin. Mahalaga ang sarili nating wika, ito ay isang kayamanang ating paghahawakan panghabang-buhay.

Saan ka nga ba nakakita ng isang napakaliit na bansa subalit mayroong napakaraming klase ng wika? Mapa- Tagalog man, Cebuano, Ilonggo, Pangasenense, Waray o Bikolano... anuman ang dayalekto na binibigkas mo, Wikang Filipino parin kung ituring ito!

Filipino ang wika na ginagamit sa buong bansa sa komunikasyon ng mga katutubong lipunan. Tulad ng ibang wika, ang Wikang Filipino ay palaging nagbabago sa pamamagitan ng pagsasalin-salin ng mga salita galing sa mga katutubo at dayuhang salita para sa iba't ibang sitwasyon. Hitik sa pahiwatig at liguyang pangungusap ng mga Pilipino dahil tayo ay nagmumula sa isang kulturang may mataas ng uri ng pagbabahaginan ng kahulugan. Kumpara sa mga taga-Kanluran na itinuturing na may mababang konteksto ng kulturang may mababang antas ng pagbabahaginan ng kahulugan. Ginagamit ng mga Pilipino ang konsepto ng pakikipagkapwa-- na itinuturing ang kausap bilang bahagi ng sarili-- na mauugat sa isang kulturang may mataas na pagpapahalaga sa ugnayan ng pamayanan.

Mahalaga rin sa mga Pilipino ang Wikang Filipinong ginalakhan. Halimbawa nito ay ang nagpupuyos na galit na reaksyon ng mga Pilipino dahil sa panlalait at pagmemenos ng mga dayuhan sa ating lahi at pagkatao- na idinulot sa ating mga Pilipinong doktor sa isang serye sa telebisyon sa NBC na The Desperate Housewives. Ganito rin ang panggagalaiti na nadama natin ng minsang mabalitaan natin noon na ang salitang 'Filipina' diumano ay binigyang kahulugang 'Katulong' sa isang diksyunaryong Ingles. Subalit sa isang banda, karaniwan sa ating mga kababayan, sinadya man nila o hindi ay hindi maiiwasang makapagkomento ng masakit at hindi maganda para sa kapwa kababayan nila. Halimbawa nito ay ang isang dayalogo ni Gloria Diaz sa Sakal, Sakali, Saklolo kung saan sinabi nya kay Judy Ann Santos na "Bakit mo pinalaking bisaya ang aking Apo?" ito ay nagpapakita ng isang masakit na salita para sa kapwa kababayang Pilipino.

Dapat ay matuto tayong lahat na maging maingat sa ating mga iniisip at sinasalita upang mapanatili ang respeto sa isa't isa. Ang Wikang Filipino ay isang pamantayan ng pagiging isang Pilipino.
Hindi mabalaho sa dusa ng pang-aalipusta ang panitikang Tagalog at Wikang Filipino dahil patuloy ang pintig nito, may bagyo man, rilim o gyera sa Pilipinas. Marahil ay hindi kasing lantad ang panitikang Tagalog at Wikang Filipino sa panitikang Ingles. Yamang Ingles ang wika ng kapangyarihan sa pamahalaan, edukasyon at negosyo sa bansa. Gayunpaman, patuloy pa rin ang pag-angat ng Wikang Filipino at panitikang Tagalog sa iba't ibang larangan bukod sa panitikan.

Kapag nasa ibang bansa naman ang isang Pilipino ay hindi maiiwasang gamitin ang lengguwaheng ginalakhan. Maging sa trabaho, kapag nagkikita-kita ang mga Pilipino, sa unang kita palang ay ang salita "kumusta na" agad ang unang sambit sa isa't isa. Naipapakita lamang na mahalaga parin ang Wikang Filipino sa mga Pinoy saang sulok man sila ng mundo. Kaya kabayan, saan kaman dalhin ng iyong kapalaran, sabi nga ng isang kanta "Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa malansang isda".

Sino pa ba ang dapat magmahal at magpahalaga sa Wikang Pambansa?
Sino pa ba ang dapat magpa-unlad nito?
Tayong mga Pilipino mismo.... pag-isipan nyo!!!
Sa uulitin, magandang hapon sa inyong lahat....


1 comment:

Unknown said...

Hello! Gagamit lang po ako ng ilang linya sa essay mo para sa story na ginagawa ko. Okay lang po ba? Magbibigay po me ng credit sa end ng story.

Nandito po yung story: https://www.wattpad.com/story/52826133-panorama-crono